Loading...
EventsLocal News

5 tampok na ginawa sa administrasyong Duterte sa lalawigan ng So. Leyte

Limang taon mula ng maupo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nagiging malinaw para sa mamamayang Southern Leyteno ang direksyon ng kanyang administrasyon.

Isa sa may malaking epekto ay ang pagbabago sa mga proyektong imprastraktura.

1.Infra-projects

“Golden age of infrastructure.” Ito ang bansag sa Build Build Build program na sinimulan mula ng mailuklok si Pangulong Duterte hanggang sa pagtatapos niya sa taong 2022.

Hindi bababa sa 5 billion pesos ang halaga ng mga big ticket infrastructure projects dito sa probinsya ng Southern Leyte. Ayon kay DPWH So. Leyte District Engr Manolo Rojas, nasa 168 projects ang inapruba sa central office ngayong taon.

Ito ang pinaka mataas na alokasyon sa 13 district engineering office sa buong Eastern Visayas region.

Kasali sa mga proyekto ay ang pagpapalapad ng mga kalsada at tulay, paggawa ng mga slope protection projects, ang Maasin City’s coastal bypass road, diversion roads, flood mitigation at drainage system sa mga kritikal at mas matao na lugar.

2.Drug-cleared province

Sa panahon din ni Duterte naideklarang ang lalawigan ng Southern Leyte bilang “Drug Cleared” province.

Taong 2018, buwan ng Abril, mismong si PDEA Director General Aaron Aquino, ang opisyal na pumunta sa probinsya para sa pagbigay ng deklarasyon. Ang Southern Leyte ang kauna-unahan sa Eastern Visayas na dineklarang “Drug Cleared province” ng PDEA at pang-apat na probinsya sa buong bansa kasunod sa Batanes, Romblon at Pangasinan.

3.Malasakit Center

Tinangkilik rin ng libu-libong Southern Leyteno lalo na ngayong panahon ng pandemya ang Malasakit Center. Layon nito na padaliin ang proseso ng pagpaabot ng medikal at pinansyal na assistance sa mga kababayan dahil sa pinagsama sama ritong mga kawani ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan.

Mismong si Senador Bong Go ang naglunsad sa ika-pitong malasakit center sa buong Pilipinas noong Setyembre 2018 sa Dongon, Maasin City, Southern Leyte.

4.4Ps Graduates at PWD’s assistance

Isa sa ebidensya na umunlad ang pamumuhay ng ilang pamilya sa Southern Leyte, lalo na sa Maasin City ay ang pag-graduate ng mga 4Ps beneficiaries.

Aabot sa 700 pamilya sa Maasin City ngayong taon ang tatanggalin na sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil kaya na umano nilang umahon sa kanilang kinalulugmokang kahirapan batay sa mga development indicator.

Hindi rin kinalimutan ng Office of the President na magbigay ng financial assistance sa mahigit 850 na mga Persons with Disabilities sa syudad ng Maasin. Maliban sa natanggap na pera, may pina-raffle din na mga gamit ang opisina si Senador Bong Go gaya na lang ng sapatos, tablet, bisekleta at iba pa.

Ayon kay Mayor Nacional Mercado, ito ang kauna-unahan sa buong Eastern Visayas.

5.Bakuna panlaban Covid19

At ang panglima na sa ngayon ay mas kinakailangn ng mga taga Southern Leyte ay ang pagbigay ng mahigit 70,000 na alokasyon ng mga bakuna panlaban sa Covid19.

Sa ngayon, may 3 brands na ng bakuna ang natanggap ng probinsya galing sa nasyonal na gobyerno. Ito ang mga bakunang Sinovac, AstraZeneca at pinakabago ang Jansen ng Johnson at Johnson.

Patuloy ngayon ang vaccination program ng ating lokal na gobyerno.

Dahil diyan, taos-pusong nagpapasalamat ang mga lokal na opisyal sa Southern Leyte sa mga proyekto, at programa na nagpaunlad sa lalawigan. Patunay na hindi umano kinalimutan ni Pang Duterte ang kanyang lugar ng kapanganakan.

Dito sa Maasin City, Southern Leyte ipinanganak ang ika-16 na presidente sa Republika ng Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap